Habang naglalakad patungo sa kuweba ay kaalinsabay
naman ang pagkawala ng lamig ng baon kong inumin para sa mahaba-habang
paglalakbay. Ngunit hindi pa man namin nararating ang aming pupuntahan ay ubos
na ang aking tubig. Kaya naman agad kong nilagyan ulit ng laman sa
bawat madadaanang bukal na siya ring malamig. Tinatayang humigit- kumulang
apat hanggang limang kilometro ang layo nito mula sa lugar na kung tawagin ay Kakati
Beach ng Sampaloc. Limang beses na binagtas namin ang Ilog Maapon, apat na
bukal ang madadaanan. Panghuling tinawid namin ang kambal na ilog, puti at itim
kung ito'y aming tawagin. Hudyat na rin ito na malapit na nga kami sa bukana ng
Malaog Underground River and Cave Chambers. Isang-isang tawid na lamang at
malapit na kami sa bunganga ng
kuweba, sa pagpasok pa lamang ay sasalubong na sa iyong mukha
ang malamyos na hangin na nanggagaling sa kalooban ng kuweba. Sa parteng ito
malaya mong maiiuli ang iyong mga nangangapang mga mata sa karimlan. Ligtas na
magliwaliw sa unang chamber ng kuweba, kahit na umaagos ang mala-ilog na tubig
sa loob nito ay kaaya-aya at kayang-kaya naman dahil hanggang tuhod lamang
naman ang tubig. Pero tandaan na ang pagtaas ng tubig sa loob ng kuweba ay kada
isang oras. Nagmumula ang malakas na current ng tubig sa kung tawagin namin ay
Mother Chamber, ito ay sinlaki ng Mauban Gymnasium at may mataas na ceiling. Sa
parte ring ito ng kuweba na ‘di naman kalayuan sa unang chamber ay kailangan
nang gumamit ng life vest at bangka dahil aabot sa 50 metro ang lalim ng tubig
mula sa bukana patungong kalooban. Sa pag-uuli ng iyong mga mata ay tatambad
ang milyun-milyong paniki na residente na ng kuweba. Pawang nakakapit ang mga
ito sa naglalakihang stalactite at stalagmite na nabuo nang matagal na panahon.
Sa pamamagitan ng mabagal na pagpatak na tubig na may langkap ng iba’t ibang
mineral nabubuo ang kahanga-hangang gawa at obra ng kalikasan. Pagkatapos
naming galugarin ang kuweba sa parteng kanluran ay masaya naming pagsasaluhan
ang aming dalang pagkain sa Pansol Spring. Dito na rin kami kukuha ng inumin na
talagang kaylamig na kaparis na parang galing sa chiller ng refrigerator.
Habang kumakain ng masarap na inihaw na tilapia na ibinalot sa dahon ng saging
ay kaysarap ding langhapin ang usok ng nagliliyab na mga bunot. Mga ilang
saglit pa’y tapos na ang pananghalian, oras naman para magpahindag at maglangoy
sa naghihintay na Majestic Blue Lagoon. Ang Blue Lagoon din ang grand entrance
ng mga chambers papunta sa gawing silangan.
Matapos ang paglalangoy sa Blue Lagoon ay hindi mo
mapapansin ang paglipas ng oras. Hindi kumpleto ang nature trekking kung hindi
namin mararating ang 15th Station ng Malaog Cave na mala-simbahan
ang disenyo na may humigit kumulang 80 metro ang taas. Nakamamangha talaga ang
gawa ng kalikasan. Tinatayang sa loob ng 500 hanggang 800 taon nabubuo ang
isang talampakang stalactite na umaabot sa sahig ng kuweba at na nagiging stalagmite.
Pagkatapos naming galugarin at i-enjoy ang kamangha-manghang 15th Station
ay agad naman kaming nanaog para puntahan ang Cave ng Lourdes. Sa bukana nito’y
may kakiputan ang iyong pasukan ngunit ‘pag narating ang kalooban nito’y
napakalawak naman. Isa ito sa chamber ng Underground River na wala pang
nakararating hanggang sa hangganan na tila walang katapusan. Sa loob ng kuweba
ay mamangha ka sa nagkikislapang mga dingding ng kuweba dahil sa mala-kristal
nitong pagkakagawa sa tuwing matatamaan ng liwanag ng iyong flashlight. Ang
malalaking hipong tiplasan, dalag, tilapia at bakuli na kaysarap pagmasdan na
malayang lumalangoy sa malinaw na tubig ng kuweba. May mga ilan namang
nagsasabi na marahil ito ay karugtong ng Cave Complex ng Cavinti, Laguna. Hindi
naman nakapagtataka dahil magkalapit lang naman ang dalawang bayan.
Patunay lamang na ang ganitong kamangha-manghang obra
ng kalikasan ay dapat lamang pahalagahan ng sinuman. Sa huli, maglalakbay
nanaman kami pabalik, madadaanan mong muli ang lahat ng magagandang tanawin.
Iinom sa malamig na bukal na nagbibigay buhay sa bawat manlalakbay na pasaka sa
kani-kanilang linang.